Sunday, June 17, 2012

PROLOGO - KUWENTONG KUTSERO



TAO PO:
Ang Ikapitong Buhay ni Agustin Bulawan
nobela ni Arnold Saño Galicia


PROLOGO – KUWENTONG KUTSERO



“Nasa likod lang sila ng parola,” bulong ng kasamang sundalo ni Toshiro. Tinitigan niya ang kasamahan. Tiningnan niya rin ang mga bihag nila: matatanda, may mga sakit, at karamihan ay mga paslit pa. May binabalak na malaki ang mga kasamahan niya. At alam niyang ayaw man ng mga Pilipinong ito, bahagi sila ng plano ng kanilang grupo.

“Hindi tayo maaaring sumugod, Ide. Nasa Candawid pa si Heneral Mifune. Huwag muna ngayon.”

Bakero! Ano ka ba, Toshiro? Hindi mo ba narinig ang sinabi ng tiktik natin? Mas marami sa bilang natin ang mga Amerikanong nasa loob niyan! Habang tulog pa sila at hindi handa, dapat,  may ginagawa na tayo! Sampung hagisan lang ng granada sa tuktok at pasukan ng parola, puwede na tayong sumugod. Bayonetahin na lang natin isa-isa itong mga taong ‘pinapaligpit na sa atin, wala na tayong problema!”

“Mapaparusahan tayong lahat. Hindi pa nagbababa ng kautusan ang Heneral,” matigas na sabi ni Toshiro.

Nakakunot ang makitid na noong kinuwelyuhan ni Ide si Toshiro. Sa mga mata ni Ide ay tinitigan ni Toshiro ang repleksyon ng mga alipato mula sa siga’. Nadama ni Toshiro ang lamig ng gabi nang itinulak siya ng kasamahan sa matandang puno ng caimito.

“Para ito sa Emperador! Para rin ito sa karangalan ng bansang Hapon,” pabulong nguni’t nanggagalaiting sinabi ni Ide nang biglang napuwing ang mga mata niyang parang nagtaka sa nakita. 

“Anong?”

Walang anu-ano’y nakarinig sila ng sigaw ng isang lalake sa may ‘di-kalayuang mga puno ng kawayan. Nagkatitigan sila at halos mag-unahan ang mga paa nilang matunton ang pinanggalingan ng ingay. Pero hindi rin nagpaawat sa pagsabay sa narinig nilang sigaw ang mga kuliglig ng dilim. Sa bilis ng kanilang pagtakbo, sumasampal ang nakamamanhid na hanging malamig at sumugat sa gilid ng mga mata nila ang mga dulo ng matatangkad na talahib. 

Pagdating nila sa kawayanang limang metro lang ang layo mula sa kanilang kampo, tumambad sa kanila ang tulala at napaupo sa damuhang Pilipino. Basang-basa ng ihi ang pantalon nito at nakatulala. Simbilog ng buwan ng gabi ang mga mata nito sa pagkakadilat. Mabilis ang naging pagsigid sa ilong nila ang naghalong amoy ng alat ng dagat at panghi ng ihi sa hangin.

“Espiya,” galit na napabulong si Ide. Akmang huhugutin ang samurai mula sa tagiliran nang pigilan siya ni Toshiro.

“Huminahon ka muna.” Hinawakan ni Toshiro ang kamay ni Ideng maglalabas ng sandata. Hindi maintindihan ni Ide nguni’t huminahon ang isip niya sa pagdampi ng kamay ng kasamahan. Nilapitan ni Toshiro ang lalaki at inalis ang salakot nito sa ulo. Hindi pa rin matinag sa pagkakadilat ang mga mata nito at halos hindi huminga. Lumapit si Ide sa Pilipino at hinila ang suot nitong salakot at saka itinapon sa kakawayanan.

"Magsalita ka, espiya. Ano’ng narinig at nakita mo?!” tanong ni Ide sa lalaki. “Magsalita ka!”

Sinampal ni Ide ang lalaki subali’t hindi ito umimik ni tumingin sa kanya. Lumapit si Toshiro at pinatabi si Ide.

“Ako na,” bulong ni Toshiro. Lumuhod siya sa harapan ng nakatulala pa ring Pilipino, bumuntung-hininga at saka nagsalita sa Waray.

“Ano’ng nakita mo, kaibigan?”

Napatingin si Ide sa kasama. Alam niyang nag-aaral ito ng Waray para makakuha ng impormasyon kung nasaan ang mga Amerikano sa Isla de Batag. Pero hindi dapat ganito katatas mag-Waray ang kasamahan niya nang ganoon kabilis na tila ba walang dugong Hapon. Wala ito ni punto ng isang tiga-Okinawa. Napatingin kay Toshiro ang Pilipino. Sumunod na napatingin ito kay Ide, nagtataka rin at tila nagtatanong kung pareho sila ng pinagtatakhan. Napatingin itong muli kay Toshiro at nagsimulang magsalita.

“Sigbin, mano’! Sigbin!”

Biglang umihip sa kanilang tatlo ang malamig na hangin. Natuyuan ng laway si Ide lalo nang maalala niya ang nakita niyang repleksyon niya sa mga mata ng kasama: nakabaligtad.

Maya-maya’y sunud-sunod na mga yapak ang lumapit sa kanilang tatlo. Naghanda ang mga kamay ng dalawang nagsihawak sa mga samurai sa kanilang mga tagiliran. Nakahinga lang sila ng maluwag nang malamang si Akirang may bitbit na bayoneta ang paparating. Naghahalo ang pagbulong at paghangos sa pagbuka ng kanyang bibig.

“Toshiro, Ide, nagpatay na ng ilaw ang kalaban. Nakaramdam ‘ata.”

*******

Habang naglalakad ang tatlong kasama ang nahuli nilang espiya sa matalahib na daan, ‘sing-ingay naman ng mga dahon ng mga puno ng niyog, acacia, at caimito ang mga kuliglig na tila mga lobong tuloy ang pag-alulong sa ilalim ng nakatitig sa kanilang buwan. Nguni’t puro maiitim na mga ulap na humihipo sa bilog na liwanag lamang ang nasa  langit at kakaunti ang mga bituin. Papunta sa kuta nilang malapit sa parola, patuloy pa rin si Ide sa pagtataka sa mga nasaksihan — ang nakabaligtad niyang repleksyon sa mga mata ni Toshiro, ang matatas nitong pagwa-Waray. Sa isang bayang madalas na mainit at malamok maski na sa gabi, ngayo’y parang multong na nagpaparamdam ang hangin sa bawat dampi nito sa kanilang mga balat.

Hawak sa magkabilang braso nina Toshiro at Ide ang Pilipinong nagtangkang mangtiktik, nanginginig pa rin ang mga tuhod nito habang naglalakad at nakatingin sa kawalan. Nakasunod naman sa kanilang likod si Akirang mahigpit na mahigpit ang pagkakahawak sa kanyang bayoneta -- nakikiramdam sa maaaring maging biglang pagsalakay ng kanilang kaaway sa likod ng mga puno. Paminsan-minsa’y napapansin ni Ide ang pagsilay ng Pilipino kay Toshiro. Dama niya ang nginig sa siko nito. Maging siya ay hindi maunawaan ang nararamdamang panunuyo ng lalamunan.

Sampung hakbang na lang ang layo nila mula sa mga bihag nilang katutubo ng lupang tinatapakan nila nang biglang makaramdam ng malamig na pawis na tumutulo sa kanyang noo si Ide. Mula sa gilid ng kanyang mga mata ay may mabilis na tumakbong tila isang malaking aso. Biglang sumagi sa isip niya ang mga alamat tungkol sa mga inuyasha ng kanyang bayan na bukod sa iginagalang ay sanhi rin ng bangungot para sa kanyang mga ninuno. Nguni't bakit dito pa sa Isla de Batag? Dito pa ba sa isang walang mabangis na lobong bansa niya paniniwalaan ang mga kuwentong panakot ng kanyang obaasan?

Tiniis niya ang kaba at tinangkang pawiin ang malakas na dagundong ng kanyang puso sa pamamagitan ng paglunok ng sunud-sunod na laway mula sa lalamunan niyang natutuyot na. Ilang araw na silang hindi naliligo, umiinom, o kumakain nang matino ng mga kasamahan niya. Ilang araw na rin niyang nalalanghap ang anghit, mababahong hininga, at amoy ng araw at damo mula sa kanyang katawan at sa suot niya at ng mga kasamahan niya. Ang mga bitag nilang mga Pilipino', bata man o matanda, kundi mag-iyaka'y naghihingalong nagsisitumbahan na sa mainsektong lupa ng mga kakahuyang kanilang dinaraanan nang dahil sa init, pagod, gutom, at uhaw.
 
Hindi man aminin ng kanyang kampo ay natatakot sila sa makapangyarihang puwersa ng mga Amerikanong malaya na ngayong nakapagbabantay sa halos lahat ng pantalan at liwasan sa buong Kabisayaan. Kaya't sa mga kakahuyan sila nagdaan para lang marating ang magiging kampo sana nilang inokupa na pala ng mga Amerikano. Napamura siya nang una niya itong mapagtanto kaninang magtatakip-silim. Inabangan kami! Pero hindi pa rin sila binabalikan ng mensaherong katutubo ni Heneral Mifune. At siya lang ang inaasahan ng halos lahat ng kanyang mga kasamahan. Hindi naman niya maasahan si Toshirong tingin niya'y isang lampa. At tulirung-tuliro na siya.
 
Buhay pa kaya ang heneral? Natatalo na ba ang puwersang Hapon sa digmaan kung kaya't pahirap na nang pahirap ang komunikasyon ngayon?
 
Dito na ba kaming lahat mamamatay?
 
Matapos nilang marating ang kampo nilang malapit nguni’t itinatago mula sa parola ng dambuhalang mga puno ang kanilang grupong nakayuko sa matatangkad na talahib at higanteng ugat ng magkakatabing mga punungkahoy, hindi na muli pang namalayan ni Ide ang iniisip niyang inuyashang nagpatindig sa mga balahibo niya mula sa gilid ng nakapalibot sa kanilang kakahuyan. Napabuntong-hininga siya ng makita nang mapansin si Akirang nanginginig sa ginaw. Ito ang pinakabata sa kanilang grupo na katulad ng marami sa kanila’y kinumbinsi lamang ng kanilang mga pamilya na sumabak sa labanan para sa dangal ng Emperador.

Sa lilim ng mayayabong na mga dahon ng isang matabang puno ng sampalok ay napaupo siyang magka-ekis ang mga binti upang sana'y maipahinga ng isip kahit sandali. Nagsisipaghilikan nang magkakasandal ang ilan sa kanyang mga kasamahan. Ang mga bihag naman nilang patpatin na'y nakikipagniig na sa mga lamok, hantik at, langaw na pumapalibot sa damuhang kanilang kinahihigahan at sa kanilang mga sugat-sugat na katawan – hinihintay na lang ang kanilang kamatayan.

Sa pagtingala niya’y napatulala siya sa nakikitang larawan --  bilog na bilog ang tila nakapintang buwang dinadaig ang kaitiman ng langit habang tila mga alagad nito ang malalagong mga dahon ng mga punong nagbibigay-pugay na nakapalibot dito. Bahagya siyang napapikit. Sa isip-isip niya, masyado nang malalim ang gabi para umatake pa ang kanilang mga kalaban. Namamanhid na rin siya sa mga kagat ng lamok nang dahil sa sobrang pagod. Sariwang-sariwa ang hanging kanyang nalalanghap.

Napuno ng ulap ang paningin ni Ide. Sa gitna ng mga nagsasayawa't nagliliparang mga abanikong Hapones ay may nagsasayaw na isang geisha. Sumasabay ang mga palad nitong may bitbit na maliit na payong sa saliw ng nakaaantok na tugtugin ng shamiseng kanina pa umaalingawngaw sa kanyang tainga. Makipot ang labi ng babae't nakasuot ng mapang-akit na pulang-pulang kimonong nagpapakita ng magandang hubog nito. Higit sa lahat, hindi malaman ni Ide kung iiyak o tatawa ang mga mata nitong naglalawa ng pag-ibig sa kanya. Mapintog ri't bakat sa damit ng geisha ang matambok nitong puwit at malulusog na mga dibdib. 

Naglakad siya sa mga ulap na lumapit dito. Hindi niya kilala ang babae subali't sa pagdampi pa lamang ng mga daliri nito sa kanyang dibdib ay gusto na niya itong sibasibin ng halik. Napuno ng init ang lalamunan niya.

Inilapit niya ang labi sa pisngi ng babae. Dumiretso ito sa dila ng geishang tila may sariling buhay na lumabas mula sa bibig nito. Nakipagpalitan siya rito ng laway. Nang umapaw na ang tamis na naramdaman niyang dinala ng babae sa kanyang lalamunan, inilayo niya ang mukha sa babae at tiningnan ang mga mata nito -- na naging dalawang munting batis ng malapot na dugo!

Unti-unting binuksan ni Ide ang dalawang talukap ng mga mata. Kahit na sanay na siya sa ganoong mga bangungot nitong mga nagdaang gabi, bumibilis pa rin ang puso niya habang naghahabol ng hangin sa tuwing gumigising. Unti-unti niyang pinabagal ang paghinga hanggang sa mapanatag siyang panaginip lang ang geishang lumuluha ng dugo.

Pinagmasdan niya ang madilim pa ring paligid. Mabuti't hindi na napahaba ang tulog niya. Kundi'y baka wala nang makapagbantay sa mga kasamahan niya ngayong halos lahat sila'y tulog. Maging si Akira ay nakabukakang humihilik na rin.

Napatingin siya sa bandang kaliwa ng kanyang paningin. Kinabahang muli siya nang makakita ng dalawang mumunting pulang ilaw mula sa matataas na talahib na malapit lang sa puno ng sampalok na kinauupuan niya. Bumilis pang lalo ang kaba niya ng makarinig ng karneng nginunguya at boses na umuungol sa hirap.

Napatayo siya't tahimik na lumapit sa nakitang mumunting mga ilaw. Halos nakatingkayad siya sa lupa nang hawiin niyang unti-unti ang mga talahib. Bahagyang lumaki sa kanyang paningin ang dalawang maliliit at mapupulang apoy hanggang sa maipanalangin niyang bigla na lang siyang pabalikin sa katatapos lang niyang bangungot. Isa sa mga kasamahan niya ang nakahandusay sa damuha't dilat ang mga mata habang sinisibasib ang tiyan nito ng Pilipinong nakasalakot na dinakip nila kani-kanina lamang. Parang lobong nakaluhod at mahigpit ang hawak sa lupa ang nanggagalaiti sa gutom na espiya habang pinapangas pa nito ang nakakagat pang balat at laman mula sa tagiliran ng sundalong Hapones. Kagat-kagat pa nito ang lumuwang bituka ni Yoichi nang bigla itong mag-angat ng ulo at tumitig sa kanyang nakangiti. Sa malaasong mga pangil pa ng Pilipino'y may tumutulong dugo ng binatang sundalo.

Namanhid ang mga tuhod niyang nanginginig nguni't nagawa pa rin niyang dahan-dahang maiurong ang mga paa habang nakikiramdam sa anumang gagawin ng Pilipino. Nakangiti pa rin ito sa kanya habang itim na itim ang mga matang dilat na dilat.

Walang anu-anoy gulat ang pumalit sa ngiti ng Pilipino. Isang basyo ng bala ang tumilapon sa pagitan nilang dalawa. Tumakbo itong paiwas at patakbo mula sa damuhan hanggang sa maglaho ito sa mas matatangkad na talahiban at 'di naglao'y sa kakahuyan. Saka lang siya nahimasmasan sa hintakot na nakita nang maramdamang yumanig ang lupang kinatatayuan niya. Nabalot ng usok ang malalaking puno at damuhan. Hindi na niya makita ang bangkay ni Yoichi. Napalingon siya sa mga kasamahan. Tumatakbo na ang mga itong bitbit ang mga baril na may bayoneta papalapit sa pinanggalingan ng mga bala ng kanyon, sa parola. Nagsisitakbuhan na rin papunta sa kakahuyan ang nadadapa-dapa pang mga bihag nilang Pilipino.

Wala pa rin siyang gaanong naririnig nang makita niyang limang hakbang lang mula sa kinatatayuan niya ay isa pang kasamahang si Yamato ang nakatayo't hindi halos makalakad tulad niya. Nanginginig ito habang iwinawasiwas sa isang malaking asong hindi nito mahagip ang hawak na samurai. Tuluyan siyang nahilo nang maaninag sa malamlam na liwanag ng buwan ang anino ng patpating sundalong tila hinihigop ng isang malaking aso. Napagmasdan niya pa ang pagbulagta nito sa damuhan nang dilat at nakanganga.

Saka lang niyang narinig ang dagundong ng pinaghalu-halong sigawan ng mga kapwa niya sundalo, bala ng kanyon, at mga baril nang patakbong naaninag niya si Toshirong papalapit sa kanya mula sa makapal na usok at dilim. "Ide, Ide! Wala na tayong mga kasama! Umurong na tayo!"

"Bakero! Tara na sa parola!" ang tanging naisigaw niya sa kasamahan bago mapadaan sa harapan niya ang isang tumatakas na batang babaeng bihag nila. Gusgusin ito at naghalo na ang luha at alikabok sa buong mukha habang umiiyak. Magkahalong gulat at nginig man ang nararamdaman ng mga kamao niya'y walang pag-aalinlangan niyang hinugot ang samurai mula sa kinalalagyan nito sa kanyang tagiliran at sinaksak ang bata sa leeg. Agad itong namatay bago pa sumirit ang maraming dugo sa mukha niya nang bawiin niya ang sandata sa leeg nito. Nakita niyang napatitig si Toshiro sa batang humandusay sa lupa. Nagtaka siya kung bakit nagulantang ito sa nakita. Tiningnan niyang muli ang bata. Lumabas ang malapot na dugo mula sa mga mata nito.

'Yun lang at saka na lang niya napansin na kasamang tumatakbong palapit ni Toshiro sa direksyon niya ang isa pang malaking asong itim na itim. Bigla pa'y sinunggaban siya ni Toshiro at pinangas ang makapal na balat mula sa kanyang mukha.

"Aaaaargh! Toshiro! A-ano'ng?!"

Hindi pinansin ni Toshiro ang daing niya. Sa mga mata nito'y nakabaligtad pa rin ang repleksyon niyang sumisigaw habang buhat sa leeg ng lumaki't lumakas na kanang kamay ng kasamahan. Nabitawan na niya ang samurai. Naglalaban ang galit, takot, at alinlangan sa loob niya habang hindi siya maikilos ni sa mga daliri niya. Mainit ang naramdaman niyang dugong umagos mula sa kanyang pisngi.

Walang reaksyong napatingin si Toshiro sa dibdib ni Ide. Nakita niyang nakaumang dito ang mga daliri ng kaliwang kamay ng kaibigang parang sa buwitre. Itim na itim ang mga mata ni Toshiro't nakalabas pa ang mahaba't matulis na dilang handang-handang manuklaw. Sa isang iglap ay sinunggaban siya ng malaking kamay ng kaibigan.

"TSAK!"

May biglang naalala si Ide. Nasikmuraan siya noon ng isang opisyal na nakaalitan niya habang umiinom ng sake. Pero ngayo'y walang bahid ng pagkamanhid. Para siyang sinikmuraan ng milyong ulit ng isang kamaong nagliliyab. Sa kalahating-segundong nasa loob niya ang kamay ng kaibiga'y bumagal ang oras. Lalo pa nitong ipinaramdam sa kanya ang mala-impiyernong hapdi. Tila tinutunaw ng kamao ni Toshiro ang bawat ugat niya. Hinihinang naman nito ang bawat butong nakapalibot sa kanyang puso.

Walang nagawa si Ide kundi ang mapasigaw. Napatingin na lang siya sa kaibigan nang hugutin ng kaliwang kamay nitong bigla mula sa dibdib niya ang pusong pumipintig-pintig pa. Umagos sa tiyan niya ang mainit-init at malaput-lapot niyang dugo. Tumagilid ang mundo. Mabilis na sumampal sa mukha niya ang hangin. Mabilis ang pag-aagaw ng alikabok, dilim, at mga dahon ng malalaking puno sa kanyang paningin nang ihagis siya ni Toshiro sa damuhan. Malakas ang hampas niya sa lupa. Parang nabali ang lahat ng mga buto niya,. Pero nanatig ang impiyernong sakit sa dibdib niya. Napausal siya ng panalangin.

Habang dama niya ang ligamgam at lapot ng dumaranak niyang dugo sa damuhang pinaghagisan sa kanya, habol-hiningang natitigan pa niya ang malaking asong itim na katabi pa rin ni Toshiro. Nakamasid sa kanya ang mga mata nitong tila sa maamong kambing nguni't may nakausling mga pangil ang mahabang nguso. Malalaki ang mga tainga nito't kung hindi siya nagkakamali'y mas mahahaba ang mga paa nito sa likuran. Kasabay nang paglabas-masok ng dila mula sa bibig nito, patagilid ang ulo pang tinitigan siya nito't inamuy-amoy ang kanyang dugo. Bigla itong suminghal sa kanyang parang isang ahas.

Pero bago pa siya malagutan ng hininga'y nakita niya si Toshirong dinilaan ang kanyang puso bago kinagat at pinasirit ang dugo sa mukha niya. Bahagyang ngumiti ang hindi na halos humihingang si Ide nang makitang lumabas ang mga biloy ni Toshiro. Mahaba ang ngiti ng kanyang kaibiga't walang 'singlaki at 'singtalas ang mga pangil habang nginangasab ang puso niya.


NEXT:
UNANG BAHAGI - IDENTITY - 1

No comments:

Post a Comment