TAO PO:
Ang Ikapitong
Buhay ni Agustin Bulawan
nobela ni Arnold Saño Galicia
UNANG BAHAGI - IDENTITY
3
“Ay, naabala ko
‘ata’ng paglalambingan n’yong dalawa! Una na ‘ko?” napapahagikgik pang bungad ni Mari sa atin habang nakatayo
siya sa may pintuan ng Singhayan ng Agham. Mahinhin nguni’t may itinatagong
tatag ang tinig ng kasintahan ko. Hindi maikakailang nanalo nga siya sa Binibining
PLR 2008 dahil sa balingkinitang hubog ng kanyang katawan, malulusog na mga
suso, mapipintog na mga hita, at mukhang may hawig sa Haponesang aktres na si Sawajiri
Erika. Mas matangkad siya sa akin nang kaunti dahil sa tuwing maglalapit kaming
magkaharap, ang mga labi niya lang ang natititigan ko at hindi ang singkit
niyang mga mata.
Kinabahan ako sa pagkakatitig ni
Mari sa matitikas mong mga braso, Agong. Nakayakap ka pa rin sa mga tadyang ko habang
nakangiting nakatingin ka kay Mari. Hindi ko alam kung ano’ng damdamin ang
ipapakita ng mukha ko. Katahimikan.