Friday, August 3, 2012

UNANG BAHAGI - IDENTITY - KABANATA 3

TAO PO:
Ang Ikapitong Buhay ni Agustin Bulawan
nobela ni Arnold Saño Galicia


UNANG BAHAGI - IDENTITY


3



“Ay, naabala ko ‘ata’ng paglalambingan n’yong dalawa! Una na ‘ko?” napapahagikgik pang bungad ni Mari sa atin habang nakatayo siya sa may pintuan ng Singhayan ng Agham. Mahinhin nguni’t may itinatagong tatag ang tinig ng kasintahan ko. Hindi maikakailang nanalo nga siya sa Binibining PLR 2008 dahil sa balingkinitang hubog ng kanyang katawan, malulusog na mga suso, mapipintog na mga hita, at mukhang may hawig sa Haponesang aktres na si Sawajiri Erika. Mas matangkad siya sa akin nang kaunti dahil sa tuwing maglalapit kaming magkaharap, ang mga labi niya lang ang natititigan ko at hindi ang singkit niyang mga mata.
            Kinabahan ako sa pagkakatitig ni Mari sa matitikas mong mga braso, Agong. Nakayakap ka pa rin sa mga tadyang ko habang nakangiting nakatingin ka kay Mari. Hindi ko alam kung ano’ng damdamin ang ipapakita ng mukha ko. Katahimikan.
 
            Bigla kang napabitaw sa pagkakayap sa akin. Bumulwak mula sa bibig mo ang malalakas na mga halakhak. Nangiyak-ngiyak pa ang mga mata mo sa katatawang dagling ikinainis ko. Napahawak ka pa sa ‘yong tiyan habang ‘di-malaman kung mapapaupo o mapapasandal sa malapit sa ating lababong kinalalagyan ng mga tubong-pangsubok at iba pang mga kasangkapan ng singhayan. Malalaki at mahahaba ang bawat “Ha!” sa iyong pagtawa na may kasamang saglit na mga piyok ng pagbibinata. Tuluyan mong binasag ang saglit na katahimikan sa silid na agad namang sinundan ng pigil na paghagikgik ni Mari.
            Si Mari nama’y halos mabitawan ang dalang bag na Prada dahil ‘di-malaman kung alin sa dalawa niyang mga kamay ang ipangtatakip sa bibig niya. Mabilis na dumaloy ang dugo sa mga ugat ko sa mukha habang umalingawngaw pa rin sa mga dingding ng singhayan ang nagsabay n’yong paghalakhak ni Mari. Ang sarap mong upakan! Halos gumulong ka pa nga sa katatawa sabay ‘turo sa mukha ko.
            “Pulang-pula ka na naman, Magi!” natatawang sinabi sa akin ni Mari. Hindi maikakaila sa mukha ng maputi kong kasintahan ang pagsang-ayon sa pagtatawa mo sa akin. Nakakatawa raw kasing talaga ang ‘di-malaman kung mananapak o iiyak kong hitsura sa tuwing mahihiya o maiinis. Hindi pa kasama riyan ang mga tainga kong halos magmukhang bunga ng makopa sa sobrang pamumula.
            “Para kang bakla kung mahiya,” biro pang sa akin ni Agong.
            ‘Parang lang.’
            Hindi n’yo na gaano pang tinagalan ni Mari ang pagpansin sa pagkapahiya ko. Nagmamadali kong iniligpit ang mga nagkalat na cardboard, scotch tape, papel,  at plastic cover at itinapon ang mga ito sa maliliit na mga basurahan sa ilalim ng lababo. Bago mo binuhat ang banghay naming ‘sinlaki yata ng isang pridyider na may katamtamang laki, nagpasya kang tingnan muna ang daraanan nating mga pasilyo sa labas ng singhayan. Madilim na rin kasi at bahagya kang matatakutin. Tumawag din sa dala kong cellphone ang kamag-aral nating si Anahaw. Bilisan daw natin ang pagliligpit sa Singhayan ng Agham dahil magsasanay pa raw ang seksyon natin. ‘Ang babagal n’yo naman kasing magsipagkilos!’ Sasali kasi ang kalahati ng klase sa parating na patimpalak sa sabayang pagbigkas ng Dalubhasaan ng Pamamahayag ng PLR. Para sa mga mag-aaral sa mataas na paaralan ang nasabing patimpalak. Ipinaabot nito ang cellphone ko kay Mari at nanakot pang may mga multo sa Gusali ng San Juan kung nasaan ang singhayan. Tumawa lang nang mahinhin ang kasintahan ko, tinapos ang pag-uusap nila ni Anahaw, at humarap agad sa akin.
            “Halika na,” bulong sa akin ni Mari. Dagli niyang isinukbit ang kanyang mga braso sa aking balikat. Tinitigan ko ang mga mata niyang nangungusap ng mga salitang kanina ko pa ibig marinig. Kunsabagay, matagal-tagal na rin akong hindi nakikitulog sa bahay nila dahil sa dami ng aming pinagkakaabalahan. Napatitig ako sa mga labi niya. Magkapantay ang kakapalan ng mga itong lalong namumula sa tuwing ngingiti si Mari.
            “Mahal,” bulong ko.
            Akmang hahalikan ko na ang mga ito nang kahit natatawa’y bigla kang:
            “Magi, nabalutan mo na ng plastic cover ang banghay natin?! Hindi mo pa naisama ang tilapya at bangus!”





NEXT:
UNANG BAHAGI - IDENTITY - KABANATA 4

No comments:

Post a Comment