Monday, July 23, 2012

UNANG BAHAGI - IDENTITY: KABANATA 1

TAO PO:
Ang Ikapitong Buhay ni Agustin Bulawan
nobela ni Arnold Saño Galicia


UNANG BAHAGI - IDENTITY


1


Nagsimula ang lahat nang si Makisig, sikat na aktor na hinahangaan ng maraming kababaihang inamin ang kanyang pagiging bakla noong huling bahagi ng dekada nobenta, ay isinawalat sa palatuntunang pantelebisyong ‘Sa Likod ng Tabing’ ng Bagong Namayan Broadcasting System 3 ang kanyang pagsisisi sa pagpapakasal niya sa bituin ng Hollywood na si James Dane Green.
            Sunud-sunod na malalaking pangyayari sa buong Kamaynilaan ang naganap sa unang limang buwan pa lang ng 2009. Hindi mahulugang-karayom ang mga daan mula Lungsod-Pasay hanggang Lungsod-Quezon dahil sa daang libong mga taong nagmula pa sa iba't-ibang panig ng Bagong Namayan. Puno man ng alikabok ang mga daraanan at nakasusunog man ng balat ang sobrang init ng araw ng Mayo, nagsipaglakad pa rin ang mga itong galit na galit sa kahabaan ng Lansangan-54 habang may bitbit na malalaking mga watawat at plakard na panay nagsasabing: "Walang Ginawang Bakla ang Maykapal!" at "Ang Pag-ibig ay Para sa Mga Lalaki at Babae Lamang!"
 
            Sinugod ng mga militanteng mag-aaral na nagmula pa sa mga Katolikong pamantasan sa buong bansa ang Malakanyang. Walang nagawa ang mga magulang kundi ang panoorin sa kani-kanilang mga telebisyong mabugbog at madakip ng mga kabatas at kawal ng maharlikang angkan ang kanilang mga anak kasama ang daan-daang mga militanteng guro at manggagawa. Namuo na pala sa kasalukuyang kabataan ang galit sa magandang pakikitungo ng mga naunang salinlahi sa mga homosekswal. Nagawa pa ng mga itong maiukit sa Baybayin ang mga salitang "Ipatigil Ang Dakilang Utos 25!" at "Ubusin ang Mga Baklang Buwaya sa Pamahalaan!" sa ginintuang tarangkahan ng tahanan ng Lakan. At hindi ito naramdaman sa maraming dekada ng pinaka-mapagpalaya at maunlad na bansa sa buong Asya.      
            Kalahati ng bahagdan ng pinagpapatay na bakla at lesbiyana sa buong kapuluan ay naganap sa dalawang lungsod lamang, sa Makati at Lungsod-Maynila. Maging ang mga anak at apong bunga ng mga mag-asawang magkatulad ang kasarian ay hindi pinatawad ng malayang nakagagalang mga mamamatay-bakla.
            Pinasabog ang Couch Bar, isang sikat at malaking international dance club sa Malateng laging dinadayo ng mga dayuhang bakla at silahis mula pa Alemanya at Imperyo ng Hapon. Ilang sikat na mga pangalan sa daigdig ng pamamahayag at pelikula ang naitalang napatay tulad ng Hapones na aktor na si Nakajima Ryosuke, ang sikat na direktor na si Puti Olivares, at ang mamamahayag ng BNBS 3 na si Magayon Benavidez.
            Isang akdang-panukalang nailathala sa Shandong, isa sa mga nasasakupang bansa ng Imperyo ng Alemanya, ang nagpahayag sa wikang Ingles ng pagtuligsa sa nagbabago at lumalalang pagturing ng Bagong Namayan sa mga bakla:
            “What is happening to the present New Namayan, the former Philippine Islands, is a peculiarity. Its citizens have ancestors who elevate homosexuals to the pantheon of society while they now discriminate and oppress gay and lesbian people from all walks of life. This is very strange for one of the most powerful and liberal-minded countries of the world.
            “In the Pre-Hispanic Philippines, the natives of the Islands admire bayogs or men who act like women to function as community shamans and healers. Before the Second World War, wherein the Axis Powers won the deciding battle, the majority of the Philippine Islands’ population, albeit ridiculing to the LGBT community, was still lenient to professionals who were rumored to be gay.
            “Even after its independence from the Empire of Japan in 1960, the country, proud of its Malay ancestry, still adhered to the de-Westernization program of the Japanese. Presently, this is truly evident in the almost-complete elimination of Spanish and English words from the Namayanan vocabulary. From Western names such as Alfredo and John, Malay first names such as Maniwantiwan and Habagat are now widely-used.
            “But what happened to the Pre-Hispanic and truly-Malay treatment of the former Philippine Islands towards gay people? Why did it change so suddenly and in just a matter of one decade – beginning in 1999? Why is their current young generation so spiteful towards the LGBT community? Is it because the country remains to be predominantly Christian? On the other hand, is Christianity not an influence from the West?”
            Isang cellphone video ang labis na sumikat nang i-upload ito sa iba’t-ibang mga website. Naglalaman ito ng dalawang binatang pumatay sa isang baklang doktor sa mismo nitong bahay sa Lungsod-Bacolod. Sa comment section, ‘di mabilang ang pagsang-ayon ng mga nakapanood sa ginawang video. Nilunod sa papuri ng maraming nakapanood ang krimen lalo pa nang, sa huling limang segundo ng nasabing video, ay nagpakilala at ngumiti ang isa sa mga pumatay. Naitampok pa ito sa isang palatuntunang pambalita ng BBC ng Dakilang Britanya at ng iba pang mga bansang nagugulat sa nagbabagong pananaw ng mga mamamayan ng Bagong Namayan. Nagkamit ito ng milyong hits sa unang tatlong araw pa lamang nito sa YouTube.
            Lahat ng ito'y hindi ko masyadong namalayan noong abala tayo sa dapit-hapon ng ating pagkabatang nakababad sa ilaw ng pagbibinata, pag-aaral, Internet, at telebisyon. At naiinggit ako sa ‘yo dahil lahat ng ito'y naganap nang alam mo na kung sino ka, Agong.

NEXT:
UNANG BAHAGI - IDENTITY – KABANATA 2
       


No comments:

Post a Comment