TAO PO:
Ang Ikapitong
Buhay ni Agustin Bulawan
nobela ni Arnold Saño Galicia
UNANG BAHAGI - IDENTITY
2
Nasabi ko na ba
sa 'yong naiinggit ako sa 'yo, Agong? Hindi pa nga yata, ‘no?
Kung tatanungin mo kasi ako,
isasagot ko agad na ‘Oo, wala pa akong
balak na hanapin ang sarili ko, Agong.’ Baka meron na, baka wala pa. Baka meron
na dahil, sabi mo nga, masipag akong mag-aral at lagi akong inaasar ng guro
natin sa Agham na maurirat daw ako at para akong batang kulang na lang ay
itanong kung bilog ba ang daigdig. Tapos, matatawa kang sumasang-ayon at
maaasar ako sa ‘yo.
"Ewan ko sa 'yo," sabay
hahagalpak ka 'pag nakikita mong asar na asar na akong tinatawag na bata at
namumula ang mapuputi kong mga tainga. “Para ka talagang bata.” Mapapatingin
naman akong saglit sa mahahaba mong mga pilik-mata.
"’Di mo naman ako inuunawa, e!"
Baka nga may balak na ako. Ako ang
punong patnugot ng opisyal na pahayagang pang-mag-aaral, mahusay ako sa lahat
ng asignatura natin, ako lang sa buong paaralan ang bahagyang matatas
mag-Ingles, hindi pa ako nawawala sa Hanay ng Karangalan ng pulutong natin simula
noong unang taon pa natin sa mataas na paaralan, iskolar ako ng Kawanggawa Para
sa Kabitenyo ni Datu Marikudo (kaya ako nakakapag-aral sa isang sikat na Katolikong
paaralan), at higit sa lahat, isa ako sa mga inaabangang magkamit ang unang
karangalan mula sa mga magsisipagtapos ngayong parating na Marso. At sa buong seksyon
natin, ako lang ang nakadadaig sa 'yo sa mga pagsusulit at marka sa Kasaysayan!
Huh!
"E 'di ikaw na!"
"Ako talaga!" Ngunit
hindi ka na humahagalpak at wala na sa akin o sa ginagawa nating proyekto
na banghay para sa asignaturang Agham at Buhay ang pansin mo. Naramdaman ko na
lang ang pagkabaling nito sa kung saan nang makita kong hindi na sa lalagukan
mo nakatitig ang mga mata ko kundi sa batok mong mamula-mula’t pinalalamutian
ng magandang gupit ng iyong buhok.
“Ang laki naman nu’ng boses nu’ng
babaeng sumigaw. Ano’ng meron?” nakataas pa ang isa sa makakapal at pasungay
mong mga kilay habang binubuksan ang isa sa kakaunting mga durungawan nitong malaki’t
pagkadilim-dilim na Singhayan ng Agham. Hindi naman sa ayaw kong makalanghap ng
sariwang hangin mula sa labas. Ngunit waring nais kong pigilan ang balbunin
mong kamay na buksan ang daigdig na alam kong para sa ating dalawa lang. Subalit
napatitig lang ako sa kamay mong tila isang batang nag-aalangan kung hahawakan
niya ang apoy ng mitsa ng isang kandila – ibig kong malaman kung ano ang pakiramdam
nang mahawakan ka subalit baka mapaso mo ako.
Halos matikman ko ang alat ng Look
ng Maynila na kita natin mula sa singhayan nang tuluyan mong buksan ang
durungawan. Hinabaan mo ang ‘yong leeg upang masilip kung ano ang nasa ibaba.
Dalawang palapag mula sa kinaroroonan
nating silid ay kita natin ang quadrangle
kung saan naglalaro sina Buhawi at ang iba pang mga kasapi ng Pulang Alamid. Tinitilian
sila ng nanonood na mga dalagang nag-aaral na sa Dalubhasaan ng Medisina ng PLR.
Gamit ang mamahaling mga smartphone,
nakatayo’t kinukunan pa ng larawan ng nagsisigawang mga babae ang bawat
manlalaro. Pawisan ang malalaking katawan nina Buhawing bumabakat sa mga kamiseta
at sando nilang maninipis. Ngayon pa
lang kasi’y nagsasanay na ang pangunahing koponan ng pamantasan sa paglalaro ng
sepak takraw para sa pagsali ng Pamantasang Lorenzo Ruiz sa Pambansang Palarong
Pan-Lusong 2010. Sa tuwing halos sasayad nga sa lupa o halos mabibitin na sa lambat
ang pinagpapasa-pasahan at sinisipa-sipang bolang ratan ng dalawang pangkat na
nagpapakisigan at nagpapabilisan, lalong lumalakas ang tilian ng mga babae.
Saglit na napatigil ang mga
manlalaro nang sumipol ang pito ng isang may-gulang na lalaking nakapamewang sa
kanila. Halos lumuwa mula sa kamisetang nakapaloob sa pantalon ng lalaki ang malaking
tiyan habang dumuduro ang hintuturo niya sa isang maliit at baguhang kasapi ng
koponan. May sinasabi pa itong kung anu-anung hindi natin maunawaan nang
malinaw mula sa kinaroroonan natin. Pinapagalitan ‘ata. Nagsipagkumpulan ang
lahat ng mga manlalaro palapit sa lalaking may pito pa rin sa nguso habang
napapatingin sa binata at nagkakangisian. Napayuko na lang ang baguhan
samantalang kumaway muna ang dambuhalang si Buhawi sa mga babaeng tuloy pa rin
ang pagtawag sa kani-kanilang mga hinahangaang manlalaro: “Ang kisig mo,
Kuling!”, “Mahal na kita, Bayani!”, “Buhawi, pakasalan mo na ako!”
Sa pagngiti mo nang pilyo nang
makita kong napatingala sa durungawan natin si Buhawi at kumindat sa ‘yo mula
sa quadrangle, lumitaw sa pagitan ng
mga labi mo ang puti't pantay-pantay na mga ngipin. Lalo silang nangingibabaw
sa mamula-mula’t kayumangging kutis ng ‘yong balat. Mapupula ang mga labi mong
abot-tainga ang ngiti nang mapasulyap ka sa akin.
Nang ibalik mo ang tingin mo kay
Buhawi, nakatingin na siya sa lalaking may pito. Ngunit hindi mo pa rin siya
nilulubayan ng tingin. Wala kang pakialam kahit na iniirapan ka na ng kanina’y
nagtitiliang kadalagahan. Ang ilan sa kanila, habang tumitingala’t sumusulyap
sa ‘yo nang masama’y nagtakip ng kanilang mga bibig gamit ang mga abaniko
nilang mabilis ang paypay. Ang iba nama’y naghahagikgikang tila nagbubulungan habang
nakataas-kilay pang tinititigan ka.
Sa ginawang ito ng mga tagahanga ng Pulang
Alamid, pinalapad mo pang lalo ang ngiti mo’t kumindat sa kanila. Sinagad mo pa
ang pang-aasar mo nang ipatong mo ang iyong baba sa kaliwang kamay mong naka-check. Ngayon ko na lang uli napansing tamang-tama
ngang ikaw ang piniling maging modelo
ng pamantasan upang kumatawan sa Mataas na Paaralan ng PLR. Kahit ano kasing
ipagawa sa ‘yo, kahit na lubos ka pang papangitin, maganda pa rin ang bagsak sa
katawan mo ng polo-barong at itim na slacks
na uniporme natin. Maging ang ID card mo’y bagay na bagay sa iyong leeg.
Napairap na lang ang mga babae dahil
yata hindi ka nila maaaring sigawan ng pangit kahit na gitil na gitil na sila
sa ‘yo. Napabuntung-hininga na lang ako sa kasutilan mo.
Kasabay ng buntung-hininga'y
napatitig na lang ako sa mga palaka't butiking nakagarapon at nakapalamuti sa
mga banggera ng singhayan. Malamlam ang liwanag ng hapon na nanggagaling
sa langit, tumatagos sa mga salamin ng garapon, at bahagyang tumatanglaw sa
isang nakapaskil na chart ng iba’t
uri ng mikrobyo. Tayong dalawa na nga lang ang tao sa loob nitong silid subalit
tila hindi ko makuha nang buong-buo ang pansin mo. Laging nasa malayo ang
tingin mo at para kang laging may ibang hinahanap. Ganyan ka naman parati.
Natatakot ako. Baka bigla kang maghanap
ng bagong matalik na kaibigang ‘di tulad ko ay makakasundo mo sa mga pangarap
mo: na kukuha ka ng kursong medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas, na magiging
mahusay kang doktor, na lilibutin mo ang Europa at Imperyo ng Hapon, na magpapakasal
ka sa kapwa mo lalaki, at mag-a-ampon kayo ng mga batang aariin n’yo bilang
sarili ninyong mga anak. Ayoko kasi’ng isipin agad-agad ang magiging
kinabukasan ko. Ayoko ng ganu’n. Ayoko pa. Gusto ko lang laging namnamin ang
ngayon.
Kahit kasi tiyak nang kung ‘di ko man
makamit ang unang karangalan, ikalawa ang makukuha ko, hindi ko pa alam kung
ano’ng kurso ang nais kong kunin. Baka Sipnayan. Baka Araling Namayanan. Baka
Araling Hapones.
“Medisina na rin lang ang kunin mo.
Kung tutuusin, tayong dalawa lang ang nagpapataasan ng marka sa asignaturang Agham
at Buhay,” sabi mong biglang yumakap sa likod ko upang mahimasmasan ako. Napatulala
kasi ako nang matagal-tagal sa isang tuyong pagong na may nakapahid nang pandikit. Hawak-hawak ko ito’t akmang ididikit
ko na sana sa loob ng banghay natin.
Naramdaman ko ang pagtigas ng
matitikas mong mga braso sa mga tadyang ko. Mainit ang dibdib mo sa likod ko at
nagbabaga naman ang hininga mo sa bumbunan ko. Mas matangkad ka kasi sa ‘kin. ‘Di
ko sinasadyang naamoy ang mabango’t mainit mong hiningang kumawala sa bibig mo;
ang hininga mong sa tuwing naaamoy ko’y bangin ang nakikita ko: hindi ko alam
kung pagpapatihulugan ko o hindi.
“Wala ka na naman sa sarili mo!”
Tinabig kong palayo sa akin ang mga
braso mo sabay baling sa banghay. Hinawakan ko ang gunting at scotch tape at sinimulang gupitin ang plastic cover para wala na tayong
baguhin sa pagkakaayos ng mga halamang-dagat at isdang nakapalamuti sa loob ng tinatapos
nating karagatan. Nguni’t nanatili ka sa likod ko. Lumingon ako sa ‘yo.
Pasinghal kitang binulungan sa likod ko: “Baka may makakita sa atin!”
“E, ano? Ikaw na lang naman ang -- ”
“Asar na ‘ko. Tama na, Agong. Baka
dumating si Marilag.”
“Ano naman? Kakiskisang-siko ko
naman ang kasintahan mo?”
“Basta,” matigas at halos pagalit ko
nang nasabi.
Isa pa ‘yan. Marami nga akong
napatunayan bilang mag-aaral ngunit hindi pa talaga ako nakatitiyak kung si
Mari ba ang mas nais kong kasama o ikaw. Hindi ko pa nga ‘ata alam kung sino
ako. Mahal ko siya’t laging naiisip. Ngunit lagi rin kitang naiisip. Mas naging
matimbang ka lang sa kanya noong huling gabi ng paggawa natin ng pahayagan
noong nasa ikatlong taon tayo ng mataas na paaralan...
Malamig ang pumapasok na hangin ng Enero
sa inyong bahay sa Santa Cruz na nilalakad lang natin mula sa PLR. Dumagdag pa
ang pabugsu-bugsong pagbagsak ng ambon sa inyong bakurang may nakatanim na mga
puno ng aratilis at mangga. Kita natin ito mula sa loob ng iyong silid-tulugan
habang nagsusulat ako ng isang tula sa aking MacBook Pro.
Inaantok na tayo noon sa kakasulat
ng mga akdang balita at lathalain para sa tinatapos nating pahayagan ng Mataas
na Paaralan. Sinabihan mo akong maliligo ka muna bago ka matulog at ‘Dito ka na sa bahay magpalipas ng gabi,
Magi. Wala kang dalang payong ta’s maginaw pa sa labas!’
Hindi kita gaanong napansin.
Naramdaman ko na lang na tapos ka nang mag-ayos ng sarili mo nang tumabi ka sa
akin. Nakahiga ako sa ‘yong kama. Tatayo na sana ako mula sa ‘yong higaan upang
makahiga ka muna nang maayos nang bigla mo na lang akong niyakap. Isinubsob mo
ang mukha mo sa balikat ko at nabasa naman ng bagong-ligo mong buhok ang balikat
ng kamiseta ko. Tinanong mo ako nang pabulong: ‘Ayaw mo pa rin bang manghiram muna sa akin ng damit-pantulog? Maligo
ka na rin!’ Hindi ko alam ang gagawin ko noon at labis ang bilis ng tibok
ng puso ko’t halos hindi ako makahinga.
Hindi ako makatingin nang tuwid sa mga
mata mong nakangiti noon. Waring kinikiliti ng mahahaba mong mga pilik-mata ang
noo ko kahit na pinagmamasdan ko lang naman sila. Nang hindi ko na mapigilang
mapangiti, nagtawanan tayo, naghampasan ng mga unan, at nagkilitian hanggang sa
sawayin tayo ng ‘yong ina mula sa kanyang silid-tulugan.
Tuloy pa rin ako sa pagbalot ng plastic cover sa ating banghay nang
bigla mo na naman akong yakapin. Nagkulay-dalandan na ang langit at ang
pumapasok na liwanag ng papalubog na araw sa singhayan. Nag-u-uwian na ang mga dalagang
naasar mo at ang ilan sa mga kamag-aral nating tumambay pa sa silid-aklatan at simbahan
ng paaralan. Kahit na nakarinig na tayo ng mga yapak ng sapatos na papalapit sa
Singhayan ng Agham ay hindi ka pa rin umalis mula sa pagkakayakap sa likod ko
na tila batang naglalambing. Sa pagkagulat ko’y nasiko ko ang tiyan mo. Saglit
kang napa-aray subalit tinuloy mo pa rin ang pagyakap sa akin nang mahigpit.
Ngunit
mas nagulat ako nang malaman ko kung sino ang may gawa ng mga yapak. Kinutuban
na ako kanina kung sino dahil gamay ng pandinig ko ang tunog ng mga sapatos na
lumikha ng ingay sa pasilyo ng ikaapat na palapag. Lalong bumilis ang tibok ng
puso ko nang makita nating dalawa kung sino ang nasa may pintuan na ng
singhayan: si Mari.
NEXT:
UNANG BAHAGI - IDENTITY - KABANATA 3
No comments:
Post a Comment